Page 23 - pagsisiyam-ina-ng-hapis
P. 23
IKASIYAM NA ARAW
Ang Ina ng Hapis at ang Isang Magandang Kamatayan
PAMBUNGAD NA PANALANGIN (p. 1)
PANIMULA
(Magsiupo ang lahat.)
Ang banal na inang sumaksi sa kalunus-lunos at kakilakilabot na
pagkamatay sa krus ng kanyang mahal na Anak, ang Birheng
nananatili sa paanan ng Krus at nakarinig ng mga katagang nabulalas
sa mga tuyong labi ni Hesus na “Diyos ko, bakit mo Ako pinabayaan?”
ay pintakasi ng magandang kamatayan. Ang kanyang dinanas sa
kalunus-lunos na pangyayari sa kanyang Anak ang siyang umakit sa
ating awa; tinamo niya ang ating pagtingin at pagdarangal. Hindi
lamang tinungo ang libis ng Kalbaryo, kundi siya ay lumagi roon sa
piling ng Banal niyang Anak, maging hanggang sa kamatayan. Mula sa
kapanganakan ni Kristo sa kanyang kabataan, at hanggang sa
kaunting hininga na nalalabi sa kanya, si Santa Maria ay naroon upang
aliwin ng kanyang luha ang Anak na ang mga katagang “Diyos ko, bakit
mo Ako pinabayaan?” ay sumugat sa kanyang puso samantalang
walang patid naman ang pagdaloy ng kanyang maka-inang pagdamay
at pag-ibig.
Siya’y karapat-dapat na maging pintakasi ng magandang
kamatayan. Si Kristo sa huling araw ang siyang huhukom, upang
gantimpalaan o parusahan tayo ayon sa ating mabuti, o kaya’y
masamang pamumuhay. At kung sakaling ito’y sumapit sa atin o sa
sinuman ay maaari nating hilingin sa Ina ng Hapis na tayo ay tulungan
sa oras ng paglilitis. Tayo ma’y maaaring humingi ng tulong sa ating
kailangan sa lalong mahalagang sandali ng ating buhay, ang pagyao
sa kawalang-hanggan. Malaki ang kahalagahan ng kalagayan ng
ating kaluluwa sa pagdating ng anghel ng kamatayan upang tayo ay
iharap sa hukuman ng Diyos. Sa lahat ng sandali, ito’y darating, ito’y
hindi maaaring ilagan, ito’y lalong tiyak kaysa sa alin mang pangyayari
sa buhay. Walang makaliligtas, mayaman man o dukha, ang mga
nakaluklok sa kapangyarihan at ang mga kaawa-awang maralita.
Mahal na Ina ng Hapis | 21